Nangako si Senate President Juan Miguel Zubiri na bago matapos ang taon ay ipapasa na nila sa Senado ang panukalang legislated wage hike para sa lahat ng mga manggagawa sa bansa.
Binigyang diin ni Zubiri, na tumaas na ang cost of living sa buong Pilipinas at kailangang i-adjust ang sweldo ng mga manggagawa para magkaroon ng disenteng pamumuhay.
Aniya, ang nakaraang wage adjustment ay para lang sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Kailangan rin aniya ng taas-sahod ng mga manggagawa sa ibang bahagi ng Pilipinas, dahil hindi naman naiiba ang presyo ng mga bilihin doon kumpara sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Senate leader, bagamat hindi ito prayoridad ng LEDAC (Legislative Executive Development Advisory Council) ay maninindigan ang Mataas na Kapulungan para sa panukalang ito.
Sinabi ng senador, na oras na maipasa nila sa senado ang panukalang legislated wage hike ay saka siya aapela kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paboran ang panukala.
Sa ganitong paraan aniya ay magpapasa na rin ng counterpart bill ang Kamara.
Sa ganitong senaryo, umaasa si Zubiri na maisasakatuparan na ang pagpapataas ng sweldo ng lahat ng mga manggagawa sa buong bansa sa susunod na taon, at maganda aniya itong Christmas gift para sa mga Pilipino para sa 2024. | ulat ni Nimfa Asuncion