Nangako si Senate President Juan Miguel Zubiri na tatapusin at aaprubahan ng mataas na kapulungan ng kongreso ang priority bills na natukoy sa naging pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ayon kay Zubiri, pinakamatagal nang commitment ng senado na maipasa ang priority bills sa katapusan ng Disyembre, kasabay ng pagpapasa ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
Sa ngayon, sinabi ng senate leader na nakakakalahati na ang senado sa ibang natukoy na 20 priority bills na dapat matapos ngayong taon.
Kabilang sa mga natapos na ng kongreso at naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang national employment action plan (trabaho bill), at LGU income classification bill.
Ilan naman sa mga inaasahang maaprubahan na ng senado sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo o bago mag-session break ang kongreso ay ang Magna Carta for Seafarers at ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill.
Kabilang pa sa mga panukalang batas na nakapila pang tapusin ng senado ay ang internet transactions bill, public private partnership bill, ease of paying taxes bill at real property valuation assessment reform bill. | ulat ni Nimfa Asuncion