SP Migz Zubiri, nais magkaroon ang Pilipinas ng batas para malabanan ang misinformation na ipapakalat ng ibang bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Isinusulong ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mapag-aralan ng Kongreso ang pagbuo ng isang panukalang batas na layong malabanan ang misinformation, na ipapakalat ng ibang bansa tungkol sa Pilipinas.

Sa naging pagdinig ng Senate Committee on National Defense tungkol sa nagiging aksyon ng China sa West Philippine Sea, pinunto ni Zubiri, na dapat magkaroon ang Pilipinas ng Espionage and Foreign Interference act gaya ng mayroon ang bansang Australia.

Sa naturang batas ay nalalabanan ang mga aksyon ng isang katunggaling bansa na nagpapakalat ng misinformation sa pamamagitan ng pagpopondo, paglo-lobby at pagpapakalat ng maling impormasyong aatake sa komunidad ng isang partikular na bansa.

Isinusulong rin ni Zubiri na magkaroon ng review sa lahat ng mga donasyong gamit, hardware o software ng China sa Pilipinas, para matiyak na hindi nakokompromiso ang mga impormasyon sa ating bansa.

Ayon kay Zubiri, hindi lang dapat sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) magkaroon ng review sa mga gamit na dinonate ng China, kung hindi maging sa ibang mga ahensya ng gobyerno.

Ipinahayag kasi ng senate leader, na may posibilidad na na-tap na ng China ang mga impormasyon ng ating bansa sa pamamagitan ng mga donated equipment na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us