Kumpiyansa si Senate President Juan Miguel Zubiri na makakaya ng 19th congress na maaprubahan ang lahat ng 20 priority bills na nais maisabatas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bago matapos ang taon.
Ito ay matapos maaprubahan kahapon ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang apat sa mga priority bills ng administrasyon.
Ayon kay Zubiri, ang mga panukalang ito ay masusing pinag-aralan at tinalakay ng mga senador para makatulong na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino alinsunod na sa agenda ni Pangulong Marcos.
Sinabi ng senate president na committed ang Senado sa pagbubuo ng mga batas na makapagpapasigla ng ekonomiya, makapagpapataas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan at makapagbibigay ng dagdag na benepisyo para sa mga vulnerable sector ng komunidad.
Kabilang sa mga panukalang batas na naaprubahan ng mataas na kapulungan ang Senate Bill No. 1846 o ang panukalang Internet Transactions Act; Senate Bill No. 2224 o ang panukalang Ease of Paying Taxes Act; Senate Bill No. 2233 o ang panukalang Public Private Partnership Act; at ang Senate Bill No. 2001 o ang New Philippine Passport bill.
Bagamat hindi kasama sa priority bills ay aprubado na rin ng Senado ang Senate Bill No. 2028 o ang panukalang magbibigay ng cash gift sa mga senior citizen na edad, 80 at 90 years old.
Maliban sa mga National Bills na ito, 12 na local bills rin ang naaprubahan ng senador sa final reading.| ulat ni Nimfa Asuncion