Nakikidalamhati si House Speaker Martin Romualdez sa naiwang pamilya at kaanak ni dating Marikina Mayor at Representative Bayani Fernando.
Aniya, mag-iiwan ng hindi na mabuburang marka si Fernando sa lungsod ng Marikina at sa bansa.
Sa kanya aniyang pag-upo bilang alkalde ng Marikina noong 1992 hanggang 2001, at pagiging mambabatas noong 2016 hanggang 2022, ay nagbunga ng malaking pagbabago sa Marikina City
Inalala at kinilala din ni Romuldez ang pagsisilbi ni Fernando bilang Chairman ng Metropolitan Manila Development Authority mula 2002 hanggang 2009 kung saan pinilit niyang ayusin ang estado ng pamumuhay ng mga Pilipino sa kapitolyo ng bansa.
Tiyak aniya na hindi malilimutan ang legasiya ni Fernando sa kaniyang pamumuno at pagnanais na pagandahin ang bawat komonidad.
Ipinaaabot din ng House leader ang panalangin sa lahat ng kaanak at kapamilya ni Fernando.
Nasawi ang dating mambabatas nang aksidenteng mahulog mula sa bubungan ng kanilang bahay ngayong araw.
Dinala siya sa Quirino Memorial Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival.
Siya ay 77 taong gulang. | ulat ni Kathleen Forbes