Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi lamang ang mga kandidato ang maaaring managot sa mga paglabag sa election law, bagkus ay maging ang mga taga-suporta ng mga ito.
“Muli sa ating mga kandidato panatilihin natin ang pagsunod sa mga alituntunin at batas para sa halalan lalung-lalo na patungkol sa premature campaigning. Tayo ay mangampanya lamang doon sa panahon ng campaign period mula October 19 hanggang October 28.” —Atty. Laudiangco
Pahayag ito ni COMELEC Spokesperson Atty. Rex Laudiangco, kasunod ng inilabas na advisory ng COMELEC laban sa mga dapat at hindi dapat sa pangangampanya, sa harap ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
“Panatilihin po natin ang pagsunod lamang doon sa mga pinahihintulutan na mga campaign material na naaayon sa Omnibus Election Code at sa Fair Elections Act.” —Atty. Laudiangco
Ayon sa opisyal, ipinagbabawal ang pamamahagi ng mga kagamitan tulad ng t-shirt, payong, at baller na mayroong pangalan o logo ng mga kandidato.
Ang mga taga suporta ng mga kandidato na mamamahagi ng mga ganitong bagay ay maaari rin aniyang maharap sa liability.
“Kahit supporter siya ang sinasabi naman diyan, hindi lamang kandidato ang maaaring may liability pagdating sa premature campaigning, paglabag sa campaign materials, paglabag sa vote-buying or vote-selling law pati ang mga taong gumagawa patungkol dito kahit man ikaw ay supporter, hindi supporter or kahit sino ka man basta gumawa ka ng ganiyan – puwede pong maging liable sa mga batas pong nabanggit.” Atty. Laudiangco. | ulat ni Racquel Bayan