May nakaambang taas-pasahe sa pampasaherong jeepney bago matapos ang taong ito.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz III, bukod sa fuel subsidy, patuloy na pinag-aaralan ng ahensya ang mga hirit sa taas-pasahe ng transportation groups dahil na rin sa tuloy-tuloy pa ring pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
Kabilang na rito ang provisional o pansamantalang taas-pasahe sa jeep na malaki aniya ang posibilidad na maaprubahan.
Paliwanag ni Chair Guadiz, kokonsultahin pa nito ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa pinal na halaga ng provisional hike at kung kailan ito dapat ipatupad.
“We know the necessity of fare increase. However, yan ay binabalanse rin ho namin sa pangangailangan ng buong bansa. Pero ‘pag tinaasan namin ang presyo ng pamasahe, malaki ang epekto nito sa ekonomiya at magtataasan lahat ng presyo. We will consider the fare hike. However, give us a little time to determine how much and when will be the appropriate time to impose the fare hike,” ani Guadiz.
Nakatakdang mag-convene ang LTFRB board sa darating na September 25 para dinggin ang iba’t ibang fare hike petition.
Samantala, tinukoy rin ni LTFRB Chair Guadiz na pag-aaralan nila kung kailangan pa ng ikalawang yugto ng fuel subsidy para sa mga PUV operator at driver na apektado ng walang prenong oil price hike. | ulat ni Merry Ann Bastasa