Isang Anti-Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Task Force ang bubuoin sa ilalim ng bagong Anti-Agricultural Smuggling Act.
Ito ang isa sa mga inilatag na amyenda sa naturang batas ng Technical Working Group (TWG) ng Kamara.
Pangungunahan ito ng Department of Agriculture (DA) kasama ang mga kinatawan mula Bureau of Customs (BOC), Department of Trade and Industry (DTI), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Itinulak naman ni House Committee on Agriculture and Food Chairperson Mark Enverga na bigyan ng visitorial powers ang naturang task force para magsagawa ng inspeksyon o raid sa mga bodega at iba pang pasilidad kung saan posibleng mayroong hoarding.
Sa ngayon kasi aniya walang ganitong kapangyarihan ang DA at DTI.
Panukala naman ni House Ways and Means committee Chairperson Joey Salceda, na i-deputize ang kalihim ng DA at iba pang miyembro ng task force upang makabisita at mag-inspeksyon sa anumang lugar na may pinaniniwalaang mayroong produktong agrikultural na hoarded o cartelized.
Aniya walang silbi kung hindi naman makakapasok ang mga ito lalo na kapag nasa loob ng PEZA hoarding, smuggling, at kartel na aniya’y “three devils of agriculture.” | ulat ni Kathleen Jean Forbes