Tinalakay ng Philippine Army at US Army Pacific (USARPAC) ang territorial defense at iba pang aspeto ng kooperasyon ng dalawang pwersa.
Ito’y sa pagbisita ni USARPAC Deputy Commanding General Lt. Gen. James B. Jarrard kay Phil. Army Chief Lt. General Roy Galido sa Army Headquarters sa Fort Bonifacio kahapon.
Sa pagpupulong ng dalawang opisyal, pinag-usapan din ang mga bilateral activity ng dalawang pwersa, na nakatuon sa mga ehersisyo, pagsasanay at capacity building sa iba’t ibang larangan.
Bukod sa capacity-building sa territorial defense, pinagtuunan din ng pansin ang cyber-security, humanitarian assistance, warfighting functions, countering terrorism, at human resource development.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Lt. Gen. Galido sa kooperasyon ng United States Army sa pagpapalakas ng relasyon ng dalawang pwersa. | ulat ni Leo Sarne
📷: SSg Cesar Lopez, OACPA