Bumaba ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa bansa nitong Hulyo kumpara noong nakaraang taon.
Batay sa pinakahuling labor force participation survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala sa 4.8% ang unemployment rate nitong Hulyo na mas mababa sa 5.2% na naitala ng kaparehong buwan noong 2022.
Bahagyang mas mataas naman ito kumpara sa 4.5% unemployment rate na naitala noong Abril.
Katumbas ito ng 2.27 milyong Pilipino na walang trabaho noong Hulyo.
Kasunod nito, naitala naman sa 95.2% ang employment rate o katumbas naman ng 44.63 milyong Pilipino na may trabaho sa bansa.
Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, ang Cagayan Valley region ang may pinakamataas a employment rate na nasa 96.7% habang Bicol Region ang may pinakamababang bilang ng may trabaho.
Kumpara noong Abril, limang rehiyon din ang nakapagtala ng pagtaas sa employment rate kabilang ang National Capital Region, Region 1 o Ilocos Region, Region 3 o Central Luzon, Region 12 o SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Kabilang naman sa mga sektor na may malaking pag-angat sa employment noong Hulyo ang construction, professional, scientific and technical activities, manufacturing, fishing and aquaculture, at information and communication.
Samantala, ang underemployed o mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan ay naitala sa 15.9%. | ulat ni Merry Ann Bastasa