Ikinababahala ni US Ambassador MaryKay Carlson ang nangyaring pagkawasak ng seabed Rozul Reed at Escoda Shoal.
Ito ang naging social media post ni Carlson matapos ang naging pahayag ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines hinggil sa sitwasyon ng dalawang lugar na pawang nasa West Philippine Sea.
Ayon kay Carlson, ang pagkasira ng tahanan ng mga lamang dagat ay nagdudulot ng pagkasira ng ecosystem at negatibong nakakaapekto sa mga buhay at hanapbuhay.
Dahil dito ay tiniyak ni Carlson na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa kanilang mga kaibigan, ka-partner at kakampi para maprotektahan ang mga nasabing natural resources.
Matatandaan kahapon ay kinumpirma ng PCG ang naunang pahayag ng AFP na wala nang buhay ang ilalim ng dagat sa Rozul Reef at Escoda Shoal, mga bahagi ng West Philippine Sea kung saan madalas nakikitang nakatambay ang mga Chinese Maritime Militia. | ulat ni Lorenz Tanjoco