Ipinag-utos ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang pagbuo ng isang Task Force sa lungsod para bantayan ang pagpapatupad ng Executive Order No. 39 o ang mandated price ceiling sa regular at well-milled rice.
Ayon sa alkalde, buo ang suporta nito sa inisyatibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na layong protektahan ang mga vendor at consumer mula sa pandaraya sa presyo at illegal rice trading.
Kaugnay nito, nakipagpulong na rin ang alkalde sa 33 market masters at mga negosyante para masiguro ang pakikipagtulungan ng mga ito sa pagpapatupad ng EO 39 sa lungsod.
Sa naturang pulong, pinakinggan ang saloobin ng mga retailer sa price cap.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) – Fair Trade Enforcement Bureau at Department of Agriculture (DA) na binigyang linaw ang mga alituntunin ng naturang mandato.
Pagtitiyak naman ng alkalde na patuloy na isusulong ang pantay na pagtataguyod ng interes ng mga mamimili at negosyante sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa