Bilang pamamaraan ng selebrasyon ng World Rabies Day sa darating na September 28,2023, magsasagawa ng Veterinary Medical Mission para sa mga “companion animals” sa ilang lugar sa Pangasinan ang pamahalaang panlalawigan ngayong buwan.
Ang aktibidad, na pamumunuan ng Provincial Veterinary Office, ay nakatakdang gawin sa Barangay Lokeb East sa bayan ng Malasiqui sa September 14 habang ito ay dadalhin naman sa Barangay Mantacdang sa bayan ng Umingan sa September 21.
Pagsapit naman ng September 28, ang Veterinary Medical Mission ay gaganapin sa veterinary clinic sa compound ng Capitol Complex habang panghuling destinasyon nito sa September 29 ang Barangay Turac sa lungsod ng San Carlos.
Kabilang naman sa mga serbisyong libreng ibibigay ng Provincial Veterinary Office sa aktibidad ang information and education campaign, consultation, deworming, anti-rabies vaccination, pagbibigay ng mga bitamina, castration at spaying.
Kasabay naman nito, nanawagan ang nasabing tanggapan para sa pagiging responsableng pet owner para sa kaligtasan ng komunidad at bilang pakikiisa na rin sa pagsusulong ng #RabbiesFreePangasinan.
Ang World Rabies Day ngayong 2023 ay may temang “All for 1, One Health for All.” | ulat ni Ruel de Guzman, RP Dagupan
📷 Provincial Veterinary Office – Pangasinan