Patuloy pa ring pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga residente malapit sa Taal sa banta ng volcanic smog o vog na ibinubuga ng bulkan.
Batay sa 24-hour monitoring ng PHIVOLCS, muling nagkaroon ng vog sa bulkan bagamat hindi na ito kasinglakas kumpara noong mga nakalipas na araw.
Bahagya ring bumaba ang emission ng volcanic sulfur dioxide (SO2) mula sa crater ng bulkan na umabot sa 2,730 tonelada.
Gayunman, may upwelling pa rin ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake.
Tuloy -tuloy din ang pagbuga ng plumes sa bulkan sa nakalipas araw na umaabot 2,400 metro ang taas.
Dahil dito, patuloy na pinapayuhan ang mga residente malapit sa bulkan na limitahan ang
paglabas at palagiang isara ang pinto at bintana upang hindi ma-expose sa volcanic smog.
Hinikayat din ang mga itong takpan ang ilong at magsuot ng N95 face mask.
Sa kabila nito, wala namang naitalang anumang volcanic earthquake sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Nananatili pa ring nakataas ang Alert Level 1 sa Taal Volcano. | ulat ni Merry Ann Bastasa