Tiniyak ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang suporta sa mga guro sa ilalim ng MATATAG Agenda ng Department of Education (DepEd).
Ito ay matapos na iprisenta ni VP Sara ang mga plano ng Kagawaran upang mapabuti ang kalagayan ng mga guro sa ginanap na National Teacher’s Month Kick-Off sa Bohol Wisdom School sa Tagbilaran City kahapon.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, ang MATATAG Agenda ng DepEd ay hindi lamang slogan, kundi isang roadmap para maisakatuparan ang mga reporma sa ahensya.
Kabilang na aniya rito ang paglagda sa kasunduan ng DepEd at Government Service Insurance System (GSIS) upang tugunan ang mga concern sa mga interest o arrears ng kanilang loan.
Bukod dito ay magbibigay din ang DepEd ng 30 araw na “uninterrupted rest” sa panahon ng school break upang mabigyan ang mga guro ng pagkakataong makapagpahinga mula sa mga gawain sa paaralan.
Iniulat din ni VP Sara na inaprubahan na ng Deparment of Budget and Management ang probisyon ng 3,500 Administrative Officer positions at 1,500 Project Development Officers positions na matatalaga sa mga pampublikong paaralan upang tumulong sa mga admininstrative task ng mga guro. | ulat ni Diane Lear