Tila patok sa takilya ang ₱45 kada kilo ng well milled na bigas sa Agora Market sa San Juan City, isang araw matapos maging epektibo ang EO 39 o ang pagtatakda ng price cap sa bigas.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilan sa mga rice retailer na sa unang araw pa lang kahapon, nakaubos na sila ng apat na sako ng well milled rice.
Gayunman, inamin ng mga retailer na kakaunti lang ang tumangkilik sa ₱41 kada kilo na regular milled rice dahil sa mas mababang kalidad nito kumpara sa well milled rice.
Ito’y dahil sa manilaw-nilaw na kulay gayundin ang pagkakaroon ng tila kulob na amoy maliban pa sa durug-durog na butil nito.
Kasunod nito, umaapela ang mga retailer ng bigas sa pamahalaan na tulungan sila na mabawi ang nabawas sa kanilang kita gayung nabili nila iyong mga regular at well milled rice sa mas mahal na halaga.
Anila, sakaling maubos kasi ang kanilang stock ay maaaring mawala ito at sa halip ay kanilang ibenta ang premium at special rice na hindi saklaw ng inilabas na EO.
Samantala, para sa mga naghahanap ng alternatibo sa bigas, maaari namang makabili ng mais na nasa ₱60 kada kilo habang ang Kamote ay nasa ₱100 kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala