Tinatarget ng Land Transportation Office na maging 100% operational na ang online system nito na Land Transportation Management System (LTMS) ngayong Oktubre.
Bahagi pa rin ito ng layuning maisulong ang digitalisasyon sa ahensya.
Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, naglabas na ito ng direktiba para bumuo ng isang technical working group na tututok sa mas epektibong LTMS na magagamit para sa online transactions ng publiko.
“Magtatayo tayo ng Technical Working Group. I want to once and for all itong Technical Working Group na ito isa lang talaga ang pakay nito, to make sure na kung ano man ang problema pa natin dito sa ating computer program na LTMS eh sana matapos na ‘no,” Mendoza.
Bukod dito, nakipag-ugnayan na rin aniya ito sa regional directors at district officers sa planong paglilipat ng mga transaksyon sa LTMS.
“Halos linggo-linggo ang ating meeting with the dealers both motorcycles and motor vehicle… may mga change procedure tayo so wala na dapat rason by the end of this month kung bakit hindi pa tayo… lahat tayo sabay-sabay mag-utilize ng LTMS for purposes of full transactions under LTO kailangan naman natin gawin ‘yan,”
Ang LTMS ay isang one-stop online shop na nagsasama sa lahat ng serbisyo ng LTO sa pamamagitan ng single contactless database system at digital platform. | ulat ni Merry Ann Bastasa