Inaasahang aabot sa mahigit 1,500 ang dadalo sa pinaka unang Philippine Asian Durian Summit na nakatakdang isagawa sa SMX Convention Center Davao City simula ngayong Miyerkules, October 25 hanggang 27.
Ayon kay Emmanuel Belvis, President ng Durian Association of Davao City na siyang naghost ng summit, layunin ng aktibidad na mag-facilitate ng pagpapalitan ng kaalaman at teknolohiya, at mabigyan ng dagdag na kakayahan ang mga Pilipinong farmer para mas mapalago nito ang produksyon ng durian.
Ibinalita ni Belvis, may walong speakers silang inimbitahan mula sa bansang Thailand, Malaysia, Taiwan, at iba pa, para sa mga diskusyon tungkol sa mga bagong teknolohiya at pamamaraan sa durian production, kabilang dito ang farm management and maintenance, irrigation, at sa pag-export ng durian.
Layon ng Durian Association na higitan ang average production ng durian sa bansa na nasa 7-10 tons kada-taon at pantayan ang produksyon ng bansang Thailand at Malaysia na nakakapag-produce ng 15 hanggang 25 tons kada-taon.
Ayon kay Belvis, ang summit ay magbibigay rin ng oportunidad sa mga durian farmers para palawakin ang kanilang market sa pamamagitan ng pakikipag-konekta sa mga exporters at mga kompanya ng mga packing houses na kasama sa mga partisipante.
Maliban sa mga plenaries, highlight rin sa 1st Philippine Asian Durian Summit ang Davao Agriculture Exhibit na lalahukan ng nasa isang daang exhibitors mula sa bansa, at mga bansang Malaysia, Thailand, Indonesia, Cambodia at South Korea. | ulat ni Maymay Benedicto | RP1 Davao