20% discount para sa mahihirap na jobseeker, ipinapanukala ni Senador Lito Lapid

Facebook
Twitter
LinkedIn

Isinusulong ni Senador Lito Lapid ang panukalang batas na layong bigyan ng diskwento ang mga indigent jobseeker sa gitna ng malawakang kawalan ng trabaho sa bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill 2382 na inihain ni Lapid, layong bigyan ng 20 percent discount ang mga mahihirap  na aplikante sa binabayarang fees at charges sa ilang government certificates at clearances, gaya ng NBI, Police Clearance, school clearance o transcript of records, medical, marriage at birth certificates.

Paliwanag ng senador, ipinapanukala niya ito para mabigyan ng patas na oportunidad ang mga mahihirap nating kababayan para madali silang makahanap ng trabaho.

Kabilang sa kwalipikado sa panukalang batas ang mga pamilyang nasa mababang poverty threshold, at tinukoy o sinertipikahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) base sa criteria na itinakda sa ilalim ng Community-Based Monitoring System (CBMS).

Ang siyudad o munisipyo ang magbibigay ng certificates of indigency sa mga kwalipikadong aplikante.

Itinatakda rin sa panukala, na sinumang pampublikong opisyal o kawani ng gobyerno na tumangging magbigay ng mga benepisyo para sa indigent job applicant ay mapapatawan ng parusang hindi bababa sa P5,000 at hindi naman lalagpas sa P20,000.

May parusa ring nakatakda sa sinumang jobseekers na mandaraya o manloloko sa anumang dokumento o clearances na isusumite sa mga kumpanya o sa ahensya ng gobyerno base sa Revised Penal Code, at papatawan din ng habambuhay na disqualification sa paggamit ng nasabing mga prebilehiyo.

Nakapasa na sa third at final reading ang counterpart bill nito sa Kamara de Representantes noon pang May 2023. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us