Aminado ang Provincial Agriculture Office (PAO) na hindi nakuha ang target na dapat taniman ng palay ngayong taon na umabot lamang sa mahigit 49,000 ektarya o 94.51% mula sa 52,838 na ektarya.
Ipinaliwanag ni Senior Agriculturist Danny Arado, focal person ng PAO, na mayroong 2,900 na ektaryang hindi nataniman ng palay dahil rain fed areas ang mga ito at sa takot ng mga magsasaka na maapektuhan ng El Niño.
Nangangamba umano ang mga magsasaka sa mga iba’t ibang lugar na baka malugi lamang sila na dahilan upang magtanim na lamang ng high value crops at kikita pa ang mga ito.
Sa kabilang dako, sinabi ni Arado na karamihan ng nataminam ng palay ay nasa Ripening Stage kung saan hinihintay na lamang na maani ito.
Inamin pa ng Senior Agriculturist na umaabot sa halos pitong libong ektarya ang naani sa unang linggo ngayong buwan ng Oktubre habang patuloy ang anihan.
Inaasahang madami ang ani ng mga magsasaka ngayon taon kumpara sa nakaraan dahil sa mga nakaraang bagyo na nakapagbigay ng maraming tubig.
Hindi naman maitatanggi ni Arado ang halos 5,000 ektarya ng sakahan ang nasira dahil sa Bagyong Egay. | ulat ni Ranie Dorilag | RP1 Laoag