Hinihintay ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang resulta ng imbestigasyon kaugnay sa pagkasawi ng overseas Filipino worker (OFW), sa Saudi Arabia na si Marjorette Garcia.
Sa isang pulong balitaan kaninang hapon, sinabi ni DMW Officer-in-Charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, na kasalukuyang nasa prosecutor ang kaso at maaari aniyang humantong ito sa criminal court.
Ani Cacdac, nakatutok sila sa imbestigasyon at umaasang matutukoy na ang salarin sa krimen.
Matatandaang natagpuang patay at may saksak sa katawan ang 32 taong gulang na OFW na-deploy sa Saudi, noong 2021.
Ayon naman kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio, nakausap na niya ang pamilya ng biktima kagabi at tiniyak nito na maiuuwi sa lalong madaling panahon ang mga labi ng OFW, at bibigyan ng heroes welcome.
Siniguro rin ng OWWA, na mabibigyan ng karampatang tulong ng pamahalaan ang naiwang pamilya ni Marjorette. | ulat ni Diane Lear