Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang peace effort ng Philippine Army (PA) sa Western Visayas, na nagresulta sa paghina ng presensya ng communist terrorist group (CTGs) sa lugar.
Sa briefing kasama ang army officers sa Camp General Macario Peralta Jr. sa Capiz, sinabi ng Pangulo na satisfied siya sa mga naaabot ng army sa lugar.
Base sa ulat na inilatag ng 3rd Infantry Division, ang mga armadong grupo ay nagpapanggap bilang humanitarian group na nanghihingi ng pondo mula sa international institutions, para sa mga katutubo sa lugar.
Gayunpaman, ang matatanggap na pondo mula sa abroad ay hindi naman buong ibinibigay sa target minor groups.
Katuwang ng 3rd Infantry Division sa effort na ito ang Joint Task Force Spear, Joint Task Force Group Cebu, 301st, 302nd, at 303rd Infantry brigade upang matuldukan na ang natitira pang limang guerilla fronts sa lugar.
Positibo si Pangulong Marcos Jr. na maaabot na ng rehiyon ang insurgency free status.
Kailangan lamang aniyang masiguro na hindi na makakahanap pa ng paraan ang mga rebeldeng grupo na mapondohan ang kanilang operasyon.
“I would (like to) congratulate you for the good progress that you’re making. Keep the pressure going…I know that the other units are also doing it in terms of the financing. But perhaps, you could put more emphasis on that,” —Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan