Unanimous ang desisyon ng Kamara na tuluyang alisin ang kabuuang P1.23 billion na confidential fund (CF)sa limang ahensya.
Para sa 2024 General Appropriations Bill (GAB), tinanggalan na ng CF ang Office of the Vice President, Department of Education (DepEd), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Agriculture (DA), at Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang inalis na pondo ay inilipat sa frontline agencies na nagbabantay sa West Philippine Sea.
Nasa P300 million ang para sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA); P100-million ang para sa National Security Council (NSC); P200-million sa Philippine Coast Guard (PCG), para sa kanilang intelligence activities at ammunition; at P381.8-million sa Department of Transportation (DOTr) para sa expansion ng Pag-asa Island Airport.
Nagdesisyon din ang Kamara, na imbes na confidential fund ay bigyan ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ang mga sumusunod na ahensya.
P30-million sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR); P25-million para sa DICT; P30-million para sa DFA; P50-million para sa Office of the Ombudsman; at P150-million para sa DEepEd, na ilalaan sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE)
Paliwanag ni Appropriations Vice-Chair Stella Quimbo, imbes na confidential ang nature ng naturang mga pondo ay inilipat ito bilang MOOE upang maging auditable. | ulat ni Kathleen Forbes