Patay ang isang limang taong gulang na bata matapos mabangga ng isang sasakayan na kabilang sa motoracade ng isang kumakandidato pagka-Barangay Captain sa Brgy. Bunawan Proper, Buanwan District, Davao City.
Sa report ng Bunawan PNP, nangyari ang insidente noong Sabado, October 21, kung saan nabangga ng Honda Fit na minamaneho ng isang Geovani Merchan, na taga-Inabanga, Bunawan District ang isang motorsiklo habang binabaybay ang barangay road.
Nadamay rin ang dalawang pedestrian na nakatayo lang sa gilid ng daan, kasama dito ang singko anyos na bata.
Sugatan naman sa insidente ang driver ng motorsiklo na si Andrew Tamsi at ang pedestrian na si Sheila Mae Casimsiman na pawang taga-Promise Land, Bunawan.
Agad namang sumuko sa kapulisan ang driver ng sasakyang nakabangga.
Samantala, sinabi ni Bunawan Police Acting Commander PMaj. Jake Goles na nakipag-ugnayan na sa mga biktima ang team ng kandidatong kapitan na nangakong tutulong sa mga gastusin sa ospital. | ulat ni Maymay Benedicto | RP1 Davao