Huli ang isang mangingisda sa Barangay Calumpang sa Bayan ng Quezon sa lalawigan ng Palawan dahil sa ‘di umano’y paglabag sa Republic Act 9147 at 9175 o ang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act” at “Chain Saw Act of 2002”.
Inaresto ang suspek matapos na marescue mula sa kaniyang kustodiya ang anim na hawla na naglalaman ng 61 Palawan Talking Mynah; dalawang Philippine Cockatoo; isang hawla na naglalaman ng isang patay at isang buhay na Parrot, ganoon na rin ang isang hindi rehistradong chain saw.
Kinilala ng Quezon Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si Javerol Sabdula Diswan, 50-anyos at residente ng kaparehong lugar.
Sa impormasyon mula kay Police Major Rico Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPO), nakatanggap ang PNP ng report na maraming mga wildlife species ang namataan sa tahanan ng suspek na handa na umanong ibiyahe sa pamamagitan ng bangka.
Ikinasa ng mga awtoridad ang isang joint operation nitong nagdaang araw ng Biyernes, October 6, 2023 katuwang ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) at iba pang ahensya ng pamahalaan na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa kabila nang sinubukan pa nitong tumakas. | ulat ni Gillian Faye Ibañez | RP1 Palawan