Aabot sa 8,600 na indibidwal ang nakatanggap ng libreng cancer prevention services mula sa Caloocan City Health Department (CHD) nitong buwan ng Setyembre.
Dahil dito, nanguna ang Caloocan sa buong Metro Manila pagdating sa dami ng mga napagsilbihan nitong Cervical Cancer Awareness Month.
Pinuri naman ni Caloocan Mayor Along Malapitan ang inisyatibo ng CHD at barangay health care workers para masigurong mas marami ang maabot ng libreng serbisyo.
Tiniyak din ng alkalde na patuloy na pagtutuunan ng pamahalaang lungsod ang paghahatid ng libre, mabilis, at maayos na serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan.
Ngayong buwan naman ng Oktubre na Breast Cancer Awareness Month, hinihikayat ng LGU ang mga kababaihang nasa edad 20 pataas na sumailalim sa alok na libreng breast cancer screening. | ulat ni Merry Ann Bastasa