Nanawagan si Armed Forces of The Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa mga mamamayan na i-exercise ang kanilang karapatang bumoto sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa isang statement, sinabi ni Gen. Brawner na hindi dapat balewalain ang karapatan na pumili ng mga susunod na lider ng mga komunidad.
Sa halip aniya, ay dapat samantalahin ang halalan bilang pagkakataon para mapahusay ang gobyerno, simula sa mga barangay at youth leader.
Sa panig aniya ng AFP ay mahigit 100,000 sundalo ang nakahandang tumulong sa Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd), at Philippine Coast Guard (PCG) upang lumikha ng mapayapang kapaligiran para sa maayos na pagboto ng mga mamamayan.
Ayon sa heneral, inaasahan niyang dadagsa ang taongbayan sa mga polling center, dahil malaki ang nakasalalay sa desisyon ng bawat botante. | ulat ni Leo Sarne