Pinunto ni Senador Mark Villar ang pangangailangan ng agarang aksyon at atensyon sa mga napapaulat na kaso ng suicide sa mga estudyante.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng sinasabing suicide case ng isang grade 7 student ng Rizal Technical University (RTU).
Sa datos ng Department of Education (DepEd), noong School Year 2021-2022 ay umabot sa 404 na mga estudyante ang nagpakamatay habang 2,147 na mga mag-aaral naman ang nagtangka sa sarili nilang buhay.
Ayon kay Villar, nakakabahala na ang patuloy na pagtaas ng suicide cases sa mga kabataan kaya naman kailangan na itong agad na bigyan ng sapat na atensyon.
Kaugnay nito, muling isinusulong ng mambabatas ang pag-apruba sa inihain niyang Senate Bill 1669, na layong bumalangkas ng suicide intervention sa pamamagitan ng life planning education sa mga kabataang Pilipino.
Layon rin ng panukala na magsagawa ng nararapat na mga training at magkaroon ng awareness sa loob ng mga paaralan.
Binigyang diin ni Villar, na kailangang matutukan ang kalagayan ng mental health ng mga kabataan sa pamamagitan ng counseling at mental health improvement sessions. | ulat ni Nimfa Asuncion