Nakiisa ang Philippine Red Cross sa panawagan hinggil sa agarang pagtatatag ng humanitarian corridor sa Gitnang Silangan upang mailikas ang lahat ng mga naipit sa gulo sa Israel partikular na sa Gaza strip.
Ayon kay PRC Chairperson at CEO Richard Gordon, kailangang kumilos agad ang international community upang mabilis na tugunan ang pangangailangan ng mga apektado.
Nababahala rin si Gordon para sa mga sibilyang naiiipit sa magdadalawang linggo nang bakbakan na itinuturing na “barbaric” lalo’t hirap ang mga ito sa pagkuha ng makakain at maiinom.
Kasunod nito, tiniyak ni Gordon ang kahandaan ng PRC na magtungo sa Israel upang tumulong sa sitwasyon sa Israel at Palestine sa sandaling kailanganin.
Muling iginiit ni Gordon ang kalahalagahan ng pagtataguyod sa prinsipyo ng International Humanitarian Law dahil wala aniyang nananalo sa digmaan lalo’t ang mga inosenteng sibilyan ang siyang labis na apektado. | ulat ni Jaymark Dagala