Patuloy na hinahanapan ng paraan ng pamahalaan kung paano makakamit ang pangmatagalan at sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Bunsod nito, nagkaroon ng dayalogo ang House leaders sa mga opisyal ng Nueva Ecija na siyang Rice Granary of the Philippines.
Dito ibinahagi ni Governor Aurelio Umali ang ilan sa kanilang best practices gaya ng pagtatayo ng rice silos.
Sa pamamagitan aniya nito, hindi na kailangan ibilad sa kalsada ang palay at makakabawas sa post harvest loss ng mga magsasaka.
Suportado naman ito ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co.
Aniya maaari din itong sabayan ng hakbang ng gobyerno na direkta lang kunin ang supply at ibenta sa merkado.
Sa paraan aniyang ito ay maaalis na ang mapagsamantalang traders at middleman.
“The national government can also help with the hauling para ‘yung cost — wala nang kotong-kotong. If we get direct or buy directly from the farmers, wala ng trader,” sabi ni Co.
Isa rin aniya na maaaring isulong ay ang “Solar Fertigation,” para madoble ang cropping cycles.
“Yung Solar Fertigation para tipid na sa kuryente. May kasama nang fertilizer ang patubig,” paliwanag ni Co.
Mahalaga rin ayon sa Ako Bicol Party-list solon na ang mga agricultural infrastructure na itatayo ay gawing interconnected para maging isang food terminal na magpapalakas sa agricultural supply chain ng bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes