Nagpaabot ng pasasalamat si Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco, Jr. sa pagbisita ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanilang probinsya kasabay ng pagpaaabot ng iba’t ibang tulong para sa mga residente.
Matatandaan na nitong nakaraang Biyernes ay nagtungo si PBBM sa Aklan kung saan siya namahagi ng rice subsidy para sa 4Ps beneficiaries, cash-for-work assistance sa ilalim ng TUPAD at Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa may 3500 na benepisyaryo.
Bukod pa ito sa pamamahagi rin ng tractor at fiberglass banca para sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan.
Nangako rin ang punong ehekutibo na maglalaan ng P30 million para sa hog at oyster industry ng lalawigan.
“We are honored to welcome the President of the Republic of the Philippines in the Province of Aklan, where we remain a Marcos stronghold as we have seen firsthand the excellence and passion for public service of the administration,” ani Haresco
Pagtiyak pa ng mambabatas na patuloy na makaka-asa administrasyon ni Pang. Marcos Jr. ng suporta mula sa mga Aklanon lalo at noong 2022 elections, ang Aklan ang natatanging probinsya sa Region 6 kung saan nanalo si PBBM.| ulat ni Kathleen Jean Forbes