Handa na ang mga kapulisan sa bayan ng Indanan, Sulu para gampanan ang kanilang tungkulin sa araw ng Barangay at Sangguniang Kabataang Elections o BSKE sa Lunes, ika-30 ng Oktubre ngayong taon.
Sa pahayag ni PCapt. Ergie Wanawan, officer-in-charge ng Indanan Municipal Police Station, nasa 462 ang pwersa nila, kinabibilangan ng 55 mula sa kanilang hanay sa Indanan MPS, 16 mula sa Regional Mobile Force Battalion – BASULTA (RMFB), 16 mula sa 2nd Provincial Mobile Force Company (2ndPMFC), 25 mula sa PNP Special Action Force (PNP SAF) at 350 mula sa 100 Infantry Battalion (100IB) na kanilang counterpart ang naatasang magbantay upang masiguro ang kaligtasan ng mga botante na pupunta sa mga polling center upang bomoto.
Ayon kay PCapt. Wanawan, nasa anim sa loob ng 34 na barangay sa Indanan ang inilagay sa security classification. Inilagay sa green category ang barangay Tagbak, sa yellow category naman ang barangay Katian at Panabuan, red category ang mga barangay ng Licup, Timbangan at Malimbayah.
Sa mga nabanggit na barangay aniya ang kanilang tututukan upang matiyak na maayos, ligtas at mapayapa ang magiging resulta ng halalan. | ulat ni Fatma Jinno | RP1 Jolo