Automated BSKE, umarangkada na sa Pasong Tamo Elem. School

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagsimula nang umarangkada ang Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) Elections sa Pasong Tamo Elementary School sa District 6 sa Quezon City.

Kabilang ito sa tatlong barangay sa buong bansa na napiling pilot area ng COMELEC para sa automated BSKE.

Maaga pa lang, pinayagan nang makapasok ang mga botante para mahanap ang kanilang mga presinto.

Sa bungad ng eskwelahan, nakapaskil na rin ang mga locator map kung saan nakalagay ang mga clustered precinct.

May Voters Assistance Desk ding naka-set up ang PPCRV para sa mga botanteng hindi pa alam kung saan sila boboto.

Pagpatak ng alas-7 ng umaga, nagsimula ang botohan kung saan pinauna ang mga senior citizen at mga PWD. Nakadepende sa laki ng classroom ang bilang ng maaaring bumoto ng sabay-sabay.

Present din dito ang mga watcher na nakabantay sa proseso ng botohan.

Isa sa maagang nakaboto dito ang 15-taong gulang na si Khyna Janel, isang first-time voter.

Aniya, natutuwa siyang mabilis lang ang naging proseso ng kanyang pagboto dahil automated ang proseso.

Inabot lang din ng limang minuto ang pagboto ni Nanay Josie na isang senior, dito sa Pasong Tamo Elementary School.

Dito sa Brgy. Pasong Tamo, nasa higit 66,000 na botante ang inaasahang boboto sa BSKE.

Tatakbo ang halalan hanggang mamayang alas-3 ng hapon.

Matapos ito, dito na rin sa Pasong Tamo Elementary School gagawin ang bilangan ng boto kaya nakapwesto na rin dito ang malaking screen, at mga upuan para sa electoral boards, watcher, at board of canvassers.

Una nang tiniyak ng COMELEC Quezon City na may nakahanda silang higit 200 contigency VCM na ipapalit sakaling may masirang voting machine sa mismong araw ng halalan.

Inaasahan din na maagang matatapos ang proseso ng halalan sa Brgy. Pasong Tamo at maaaring may maiproklama agad na panalo kinahapunan. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us