Sinisikap na ng Land Transportation Office (LTO) na matugunan ang backlog nito sa mga plaka ng motor vehicle at mga motorsiklo.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, tuloy-tuloy na ngayon ang pag-iimprenta nila ng plaka na kaya nang makapag-produce ng 32,000 plaka kada araw.
Oras naman na maabot na ng plate making plant ang full capacity nito sa buwan ng Nobyembre, aangat na rin aniya sa 42,000 hanggang 45,000 ang kakayaning gawing plaka.
Dahil dito, inaasahan ng LTO na maibsan na rin ang backlog na 80,000 plates sa mga motor vehicles sa susunod na buwan.
Kasama rin sa gagawing prayoridad ng ahensya ang plaka ng mga bagong rehistrong sasakyan.
Dahil dito, simula sa October 15 ay makakakuha na agad ng car plates ang mga bagong sasakyan na iparerehistro sa LTO.
“Nakipag-usap na ako sa car dealers na sa loob ng 7 hanggang 10 days ay i-rehistro na nila sa LTO ang mga nabebentang sasakyan kundi magmumulta sila ng ₱20,000 sa motorsiklo at ₱100,000 sa motor vehicle,” sabi ni Mendoza.
Habang ang backlog naman para sa natitira pang 13 milyong plaka ng mga motorsiklo ay unti-unti rin aniyang tutugunan ng ahensya hanggang makumpleto sa 2025. | ulat ni Merry Ann Bastasa