Inaasahang mas dadami na ang bisitang magtutungo sa Bagbag Public Cemetery ngayong bisperas ng Undas.
Mula pagbukas ng sementeryo kaninang alas-6 ng umaga, tuloy-tuloy na ang pagdating ng mga bisita sa sementeryo na ang karamihan ay magkakamag-anak.
Sa tala ng Bagbag, mayroon nang higit sa 4,800 ang bumisita sa sementeryo kahapon.
Posible pa aniyang dumoble ang bilang na ito ngayong bisperas ng Undas.
Hindi naman na pinapayagang makapasok ang mga sasakyan at motorsiklo sa loob ng Bagbag Cemetery.
Anumang oras din ay isasara na ng barangay ang Parokya Road o ang kalsada papasok ng sementeryo.
Bukod sa mga security personnel ng Bagbag Public Cemetery, nakabantay na rin ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa sementeryo.
Patuloy na pinapaalalahanan ang mga bibisita sa mga ipinagbabawal na ipasok sa loob ng Bagbag Public Cemetery kabilang ang mga matatalim na bagay, nakalalasing na inumin, at mga flammable substances.
Bawal ring magkalat ng basura alinsunod na rin sa Garbage Ordinance ng QC LGU.
Samantala, buhay na buhay na rin ang mga negosyo sa loob at paligid ng sementeryo kabilang ang mga nagtitinda ng bulaklak at kandila.
Ilan sa mabibili rito ang Orchids na ₱50 kada piraso,
Malaysian mumps – ₱40 kada piraso, Astro – ₱30 kada piraso, small flower arrangement – ₱50 kada piraso. | ulat ni Merry Ann Bastasa