Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na bahagi na rin ng kanilang coverage ang pagbibigay ng outpatient mental health package.
Ito’y makaraang selyuhan ng PhilHealth at National Center for Mental Health (NCMH) ang isang kasunduan para ibilang na ang pagbibigay ng mental health package para sa mga outpatient o hindi na kailangang i-admit sa ospital.
Ayon kay PhilHealth Vice President for NCR, Dr. Bernadette Lico, bahagi ito ng inilunsad nilang 2024-2028 Strategic Framework ng Philippine Council for Mental Health kamakailan.
Sinabi naman ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma, makatutulong ang pagbibigay ng mental health package sa mga miyembro at dependent nito para matiyak na matutugunan ang kanilang kundisyon nang walang iniintindi sa gastos.
Saklaw ng nasabing package ang konsultasyon, diagnostic follow-up, psycho education, at psychosocial support na malapit nang mapakinabangan sa mga accredited na pasilidad na may serbisyo para sa mental health outpatient.
Nahahati sa dalawa ang mental health package, kabilang na ang general mental health services packages na nagkakahalaga ng P9,000 at specialty mental health services packages na nagkakahalaga ng P16,000 kada taon.
Maaaring makagamit ng benepisyo ang isang indibidwal na may 10 taong gulang pataas na nangangailangan ng psychiatric services habang wala namang limitasyon sa edad para sa mga nangangailangan ng neurological services. | ulat ni Jaymark Dagala