Ibinunyag ng Philippine Coast Guard (PCG) na kasalukuyang nakadaong ngayon sa Singapore ang Pacific Anna na responsable sa pagbangga sa bangka ng Filipino Fishing Boat Darean, na nangyari sa Bajo de Masinloc noong Lunes ng umaga.
Ito ang kinumpirma ni PCG Spokesperson Rear Admiral Arman Balilo, kasabay ng pagtitiyak na nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas doon.
Ito ay para magkaroon ng maayos na ugnayan sa kapitan ng barko upang maisagawa ang inisyal na pagsisiyasat.
Sa huling nakuhang impormasyon ni Balilo, may ginagawang hiwalay na imbestigasyon ngayon ang Singaporean Government bilang pagtalima sa International Maritime Organization, na magtutulungan sa mga insidente sa karagatan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Embahada ng Pilipinas sa Marshall Islands Government, para sa hiwalay nilang pagsisiyasat at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng Pinoy fishermen.
Samantala, hinila na ng Philippine Coast Guard ang FFB Dearyn mula Bajo de Masinloc patungong Subic Zambales para simulan nito ang kanilang imbestigasyon. | ulat ni Michael Rogas