Benepisyo para sa mga ‘junior citizen,’ itinutulak sa Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Maliban sa mga senior citizen at solo parents, itinutulak ngayon ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na mabigyan din ng benepisyo at diskwento ang ‘junior citizens’ o yung mga edad Zero o mula pagkapanganak hanggang sa pagsapit ng edad 12.

Sa kaniyang House Bill 8312, awtomatikong mapapasailalim ang mga junior citizen sa PhilHealth at makatatanggap din ng mga diskwento gaya nang sa seniors.

Pasok sa programa ang mga junior citizen na ang pamilya ay may annual income na mas mababa sa ₱250,000.

Ilan sa isinusulong na benepisyo ang libreng medical at dental service at laboratory sa mga pampublikong ospital o health facility.

Bibigyan din sila ng 20% discount at VAT exemption sa medical, dental, at laboratory kung sa pribadong ospital at klinika.

Kaparehong diskwento rin ang maaari nilang i-avail sa pagbili ng gamot at gatas pati na sa admission fee sa mga theater, sinehan, concert hall, leisure at amusement park pati na sa funeral at burial service sakaling pumanaw.

Bibigyan din sila ng Junior Citizen Identification Card at booklet na makukuha sa barangay o local government unit (LGU).

Kailangan lamang i-presinta ang orihinal o certified true copy ng Philippine Statistics Authority (PSA) issued Birth Certificate ng bata at ang Income Tax Return na magpapatunay na hindi lalagpas sa ₱250,000 ang annual income ng pamilya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us