Nananatiling mataas ang bentahan ng baboy sa Muñoz Market sa Quezon City.
Aminado rito ang ilang nagtitinda sa palengke sa gitna ng tumataas ring halaga ng kanilang kuha sa mga supplier.
Sa ngayon, naglalaro sa ₱290-₱300 ang bentahan sa kada kilo ng kasim sa Muñoz Market, habang ₱340-₱350 naman sa liempo.
Dahil dito, medyo matumal raw ang bentahan nito ngayon lalo sa mga mamimiling nagtitipid.
Hindi naman pabor ang mga tindera sa pagbuhos ng imported na karneng baboy para mapunan ang inaasahang kakulangan ng suplay sa huling quarter ng taon.
Sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa mga palengke sa Metro Manila, ang retail price ng pork kasim ay pumapalo sa ₱260 hanggang ₱330 kada kilo at ang pork liempo ay nasa ₱290 hanggang ₱400 kada kilo. | ulat ni Merry Ann Bastasa