Puspusan na rin ang paghahanda ng Bureau of Fire Protection (BFP) Mandaluyong City para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at Undas 2023.
Kaugnay nito ay tumanggap ng medical kits ang BFP Mandaluyong mula sa lokal na pamahalaan na maaaring magamit sakaling magkaroon ng emergency sa panahon ng halalan at Undas.
Personal na tinanggap ni City Fire Marshall Fire Superintendent Nazrudyn Cablayan ang mga kagamitan mula sa Mandaluyong LGU ngayong araw.
Nagpasalamat naman ang BFP Mandaluyong sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan at City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Samantala, kasado na rin ang Oplan Kaluluwa 2023 ng Mandaluyong LGU kaugnay nito ay nagpapaalala ito sa mga magtutungo sa mga sementeryo sa Undas.
Sa Garden of Life Park na isa sa mga public cemetery sa lungsod, mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng sementeryo ang pagtitinda, labis na pag-iinggay, pagsusugal, pagdala ng mga nakalalasing na inumin, at pagdala ng baril at mga bagay na matatalim at makalilikha ng sunog.
Ang oras naman ng pagbisita sa naturang sementeryo sa October 30-31 at November 2 ay mula 6AM hanggang 10PM, at sa November 1 ay bukas ito ng 24 oras. | ulat ni Diane Lear