Nakikita ni Private Sector Lead for Jobs Joey Concepcion na madadagagan pa ang bilang ng mga Pilipinong mayroong trabaho sa bansa, ngayong patapos na ang 2023.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Concepcion na dahil papalapit na ang Pasko, maraming manggagawa ang muling kukuhanin ng mga kumpanya o negosyo.
Partikular na aniya dito iyong contractual employees.
Ito ayon kay Concepcion ay dahil inaasahan na ang pagtaas ng paggastos ng consumers habang papalapit ang Pasko.
Ang importante aniya, lumakas pa ang mobility o iyong paglabas, paggalaw, at paggasta ng publiko, lalo’t wala naman na aniya ang banta ng COVID-19 pandemic.
Dahil dito, naniniwala rin si Concepcion na iigting pa ang ekonomiya ng bansa ngayong huling quarter ng 2023 hanggang sa susunod na taon.
“Kapag Christmas talagang marami ang nagha-hire ng mga additional workers ‘no because talagang ang benta ng mga consumer goods companies ay talagang tumataas. So, there will be a lot of hiring especially dito sa mga services natin – iyong mga fast foods natin, iyong mga restaurants – lahat iyan; kapag Christmas season lahat kumakain sa labas to celebrate Christmas. So, that consumer spending will lead to an increase in employment definitely.” — Concepcion. | ulat ni Racquel Bayan