Muling hinikayat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga indibidwal na mayroon pang hindi nababayarang Estate Tax na i-avail na ang pinalawig na Estate Tax Amnesty.
Sa inisyung Revenue Regulations (RR) No. 10-2023, maaari pang kumuha ng amnesty ang mga may hindi pa bayad na Estate Tax hanggang June 14, 2025.
Pinalawig rin ang coverage ng Estate Tax Amnesty kung saan sakop na rin ang mga ari-arian ng mga indibidwal na pumanaw bago ang May 31, 2022, kahit wala pang naiisyung assessments.
Bukod dito, maaari na ring mag-file at magbayad online ng Estate Tax Amnesty Return (ETAR) ang executor o administrator, mga heirs o tagapagmana mula June 15, 2023 hanggang June 14, 2025.
Papayagan rin ang installment payment sa loob ng dalawang taon mula sa statutory date ng bayad.
Kabilang naman sa mandatory requirements sa pagproseso ng aplikasyon para sa Estate Tax Amnesty ang certified true copy of the Death Certificate, Taxpayer Identification Number (TIN) ng decedent at heirs, at government-issued identification card ng executor/administrator ng estate.
Kaugnay nito, umaasa naman si BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na mas marami nang mahihikayat na mag-asikaso ng kanilang Estate Tax sa panibagong extension ng programa.
“With the issuance of Republic Act No. 11956 and its Implementing Rules and Regulations (RR No. 10-2023), we hope that more citizens will avail of the Estate Tax Amnesty considering that its deadline has been extended until June 14, 2025 and its coverage has been expanded,” pahayag ni Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa