‘Bloodless’ drug war ng Marcos Jr. administration, pinuri ng House leaders

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagpahayag ng suporta at papuri ang ilang mambabatas sa ‘bloodless’ drug war ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs Chair Ace Barbers, ipinapakita lamang nito na kayang puksain ang iligal na droga nang walang buhay na nawawala.

Nakakuha rin aniya ng tiwala at suporta mula sa publiko ang istratehiya ni PBBM.

Bunsod nito, ang mga kaanak ng drug dependents, ay mas bukas na magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad at mas nagiging matagumpay ang paghuli at rehabilitasyon ng mga gumagamit ng iligal na droga.

“Violence if it can be avoided by our law enforcers in the pursuit of suspects can result to less anger, resentment, desire for vengeance from our people and will likewise negate attention and condemnation from international watchdog groups,” sabi ni Barbers

Katunayan sa nakaraang pagdinig ng komite tungkol sa nasabat na droga sa Mexico Pampanga, ibinalita ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Virgilio Lazo na nagkaroon ng 52% na pagbaba sa drug-related fatalities sa operasyon ng PDEA.

Mula aniya sa 40 na nasawi noong 2020 hanggang 2021 ay 19 na lamang ang naitalang namatay mula July 2022 hanggang September 2023.

Kasabay nito ay hinimok din ng mambabatas ang mga law enforcement agencies na ipagpatuloy ang kanilang laban kontra iligal na droga sa mapayapang pamamaraan.

Kinilala rin ni House Deputy Majority Leader Janette Garin na sa halos 16 na buwan ng administrasyong Marcos ay naipakita nito na puspusan pa rin ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.

Patunay aniya dito ang nasabat na 4.4 tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng hindi bababa sa ₱30-billion.

Diin ni Garin na ang kagandahan ng anti-drug war ng administrasyon ay ang pagiging makatao nito.

“The brilliance of President BBM’s anti-drug strategy lies not only in its efficacy but in its humanity. Not a single life of a drug user, peddler, or trafficker was taken. It’s a testament to the belief that bloodshed isn’t the answer to this crisis,” punto ni Garin.

“This administration will not stand by and watch small-time drug users and street pushers face dire consequences while the major importers and suppliers of these illegal drugs operate with impunity,” dagdag pa nito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us