Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 1 ang isang British national na wanted sa kanilang bansa dahil sa kasong child pornography.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang naturang Briton na si Anthony Collins, 42-anyos na nakarating sa Pilipinas buhat sa Kuwait.
Batay sa impormasyon mula sa International Police (InterPol) National Central Bureau sa Pilipinas, nahatulan si Collins ng isang korte sa Manchester, England noong Mayo dahil sa kasong voyeurism at pangunguha ng maselang larawan ng dalawang 16-anyos nitong biktima.
Dahil dito, sinabi ni Tansingco na maituturing na Registered Sex Offender si Collins kaya’t nararapat lamang itong isailalim sa ‘outright exclusion’ sa ilalim ng Philippine Immigration Law.
Matapos isailalim sa kaukulang documentation si Collins ay agad itong ibinook ng flight pabalik sa England at inilagay na rin ito sa blacklist ng Immigration dahil sa pagiging ‘undesirable alien’. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: Bureau of Immigration