Maituturing na generally peaceful ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ngayong araw (October 30), kahit pa may ilang mga insidente ng panggugulo ang naitala sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang na dito ang pagpupunit ng balota ng ilang indibiwal sa dalawang presinto sa Puerto Princesa, maging ang insidente ng panununtok sa police officer sa Nunugan, Lanao del Norte.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Garcia, hawak na nila ang mga indibiwal na involved sa mga panggugulong ito, at hindi naman naging sanhi ang mga insidenteng ito upang maantala ang botohan.
Bukod pa dito, nakapagtala rin ng hindi on time na pagsisimula ng botohan sa ilang lugar sa Bangsamoro.
Sa kabila nito, pinapurihan ng COMELEC ang hanay ng PNP na nagpatupad ng maximum tolerance, maging ang PNP Quezon na dumakip sa isang supporter ng incumbent official, makaraang magbitbit ng baril sa polling precinct.
Ayon kay Chair Garcia, base sa kanilang tala, ang mga lugar na nasa ilalim ng COMELEC control, wala ring naitalang untoward incident.
Ayon sa opisyal, hindi naman na bago at hindi rin naman mawawala ang mga ganitong maliliit na insidente tuwing halalan.
Ang importante lamang aniya dito, ma-prosecute o mapapanagot ang mga indibidwal na sangkot dito.
Sabi pa ng opisyal, kinukuha na lamang nila ang pigura ng voters’ turn out, ngunit sa oras na umabot sa 70-75% ang numerong ito, maituturing na isa rin itong tagumpay, para sa BSKE ngayong 2023. | ulat ni Racquel Bayan