Hindi naapektuhan ng tigil-pasada ang byahe ng mga pampublikong sasakyan sa bahagi ng Monumento sa Caloocan City ngayong umaga.
Ito ay tiniyak ni Caloocan Chief of Police Colonel Ruben Lacuesta matapos ang monitoring sa pangunahing kalsada nitong morning rush hour mula alas-6 hanggang alas-7 kaninang umaga.
Ayon kay Col. Lacuesta, nanatiling maayos ang pamamasada ng mga PUV sa monumento at wala namang nastranded na mga pasahero.
Una na ring naghanda ang Caloocal LGU ng rescue vehicles para sa mga commuter na posibleng mahirapang sumakay dahil sa tigil-pasada ng ilang transport groups.
Nakapwesto ito sa ilang bahagi ng Caloocan kabilang ang sa Monumento, Plaza Rizal, at MCU sa South Caloocan habang may pitong istasyon ding ilalatag sa North Caloocan.
Samantala, patuloy na nakatutok rin ang Caloocan Police sa posible namang pagsasagawa ng kilos-protesta ng ilang grupo.
Ayon kay Col. Lacuesta, walang pinapayagang magprotesta sa Monumento kaya kung may magtangka man ay pakikiusapang umalis agad. | ulat ni Merry Ann Bastasa