Ibinunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC ang isang panibagong modus operandi na nambibiktima sa mga public school teacher.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PAOCC Chief, USec. Gilbert Cruz, tinawag itong “car loan” scam kung saan, inaakit ng mga sindikato ang mga guro na mag-loan ng sasakyan dahil sa pangakong kita kapalit ng pagpaparenta.
Pagkalabas aniya ng sasakyan sa casa, huhulugan ito ng sindikato ng ilang buwan at saka ipasasalo sa teacher subalit naibenta na ang inutang nilang sasakyan.
Ayon kay Cruz, nasa 60 na kaso ng car loan scam ang kanilang naitala kung saan, 17 sa mga guro ang nagpasaklolo sa kanila habang 8 sasakyan ang kanilang narekober sa tulong ng PNP Highway Patrol Group o HPG.
Aniya, talamak ang modus sa mga lalawigan ng Pampanga, Bataan at Bulacan.
Hinikayat naman ni Cruz ang iba pang mga guro na nabiktima ng mga kawatan na maghain ng reklamo upang agad na maaksyunan. | ulat ni Jaymark Dagala