Naghain ng resolusyon si Cavite Rep. Elpidio Barzaga para paimbestighan ang nadiskubreng shipment ng meat jerky sa Manila International Container Port (MICP) na naglalaman pala ng pinaghihinalaang shabu.
Partikular na inaatasan ang House Committee on Dangerous Drugs para magsagawa ng pagsisiyasat sa nasabat na 323 kilos ng pinaghihinalaang shabu at kung paano ito nakapasok sa bansa.
Ayon kay Barzaga, mahalagang malaman kung mayroon bang Bureau of Customs personnel na sangkot sa iligal na gawain.
Kasabay nito, nais ni Barzaga na repasuhin ang BOC operations upang mahinto na ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
Mahalaga aniya na matukoy ng komite kung paano mahikayat na tumulong ang mga logistics at shipping company pati mga tauhan nito para mapigilan ang drug trade sa karagatan,
Bukod dito, dapat ay i-adopt o gayahin ng Pilipinas ang best practices ng ibang mga bansa pagdating sa pagbabantay at paglaban sa maritime narcotrafficking.
“Consequently, there is a need to examine the adoption of best practices on effective controls of ports and maritime narcotrafficking such as risk assessment, integrated and coordinated approaches by public and private actors, and effective non-intrusive inspections, as well as the adoption of coastal watch activities, detection technology, canine detection, multi-agency participation, and operations, and information sharing which has been adopted by the Inter-American Drug Abuse Control Commission and how it best suits the Philippines.”, ani Barzaga.
Ang naturang shipment ay dumating sa bansa noong February 24 ngunit dahil sa walang kumukuha ay naglabas ng Pre-Lodgment Control Order (PLCO) nitong Setyembre 29.
Inilabas ang PLCO matapos makakuha ng report ang Customs Intelligence and Investigation Service na may derogatory information sa naturang shipment.
Tinukoy naman ang consignee nito bilang Salesbeat Within OPC ng Logistica Integral Aduanal Meyma at Aime Express Logistics SA DE CV. | ulat ni Kathleen Jean Forbes