Lantarang paglabag sa Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS) ang ginawa ng Chinese People’s Liberation Army (PLA) Navy na pangha-harass sa barko ng Philippine Navy sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Col. Medel Aguilar kaugnay ng tangkang pagtawid sa harapan ng BRP Benguet (LS507) ng PLA Navy Ship 621 (PLAN 621) sa bisinidad ng Pag-asa Island noong nakaraang Biyernes ng hapon.
Sa naturang insidente, lumihis din ang barkong pandigma ng China matapos silang i-“challenge” ng BRP Benguet, at balaan na paglabag sa maritime safety regulations ang kanilang ginagawa.
Ayon kay Aguilar, ang ginawa ng Chinese Navy warship ay iresponsable, unprofessional, at mapanganib sa buhay ng crew ng dalawang barko.
Sinabi ni Aguilar na ang China mismo ang sumisira ng kanilang reputasyon sa mata ng pandaigdigang komunidad dahil sa kanilang mga peligrosong pagkilos sa West Philippine Sea.
Sa panig aniya ng AFP, ay pananatilihin nila ang propesyonal na pagkilos sa pagganap ng kanilang mandato na pangalagaan ang soberenya at territorial integrity ng bansa. | ulat ni Leo Sarne