Sa pag-arangkada ng unang araw ng kampanya para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), muling nagbabala si Commission on Elections (Comelec) Chairperson Atty. George Erwin Garcia sa mga kandidato na huwag subukan ang batas para hindi maharap sa anumang kaso.
Sa isang press conference sa Davao City, sinabi ni Garcia na dapat sundin ang mga panuntunan hinggil sa pangangampanya gaya ng angkop na sukat ng posters na dapat ipaskil sa common poster areas.
Iginiit din ng opisyal na bawal ang pagbibigay ng pagkain at anumang bagay na may halaga dahil isa ito sa ipanagbabawal ng batas.
Ayon kay Garcia, hindi mag-aatubili ang Comelec na i-disqualify ang mga kandidato na lumabag sa kanilang panuntunan.
Dagdag ng opisyal na hindi kailangan na bigyan ng mga kandidato ang botante para piliin ito na mamuno sa kanilang komunidad.
Nanawagan din ito sa publiko na magsampa ng reklamo sa mga Comelec offices sa lugar kung may makikitang paglabag. | ulat ni Armando Fenequito | RP Davao